was successfully added to your cart.

Cart

Financial benefits ng divorce

Divorce o ang legal na paghihiwalay ng mag-asawa ay isa sa mga maiinit na usapin ngayon sa ating lipunan. Kung hindi ako nagkakamali, ang Pilipinas na lang at ang Vatican ang mga bansang hindi ito pinahihintulutan.

Ako ay pro-divorce dahil marami na akong nakitang nasirang buhay dahil hindi ito pinahintulutan. May mga bagay na dapat nakatutulong ang batas na ayusin, pero dahil sa kawalan nito, mas gumugulo pa ang buhay.

Isa na dito ang usapin sa pera.

Batas para ayusin ang responsibilidad ng ex sa pera

Kapag may divorce, malaki ang tsansang mawala at mahinto na ang away sa pera ng mag-asawa. Ito ay dahil may batas na gagabay kung paano ito gagawin.

Sa magandang divorce law, mabibigyan ng kanya-kanyang responsibilidad ang dating mag-asawa at ito ay sasaklaw sa kanilang mga ari-arian, mga anak at iba pang bagay.

Malinaw ang sustento

Ilang beses ko nang nakita na iniwan ng lalaki ang babae kasama ng mga anak nito at hindi man lang nagbibigay ng maayos na sustento ang lalaki. Tinatanggap na lang ito ng babae nang walang kalaban-laban sa batas dahil para sa kanya, mas maginhawa na ito kaysa ipagpatuloy pa ang pagdurusa sa loob ng pagsasama.

Sa divorce, magkakaroon ng sustento na ibibigay sa mga anak para tustusan ang kanilang pangangailangan at nang sa gayon ay hindi ito pasanin ng pinag-iwanan ng mga anak.

Hatian ng ari-arian

May mga kakilala akong matagal nang hiwalay sa asawa at may kanya-kanya na silang sariling buhay pero dahil walang divorce, sila pa rin ang mag-asawa sa mata ng batas. Dahil dito, patuloy na conjugal ang ari-arian.

Ang conjugal property ay mga ari-ariang nabili ng mag-asawa o isa man sa kanila habang sila ay kasal at ito ay hahatiin sa kalahati bilang bahagi ng isa’t isa. Dahil walang divorce, kahit na may kanya-kanya ng buhay at wala nang pakialam sa isa’t-isa, conjugal pa rin ang property.

Naloloka ako tuwing nakikita kong ipinapangalan sa iba ang ari-arian bilang proteksyon sa habol ng ex sa naipundar. Ito ay matinding violation sa maayos na personal finance management.

Maayos at maaring mapayapa ang paghahati-hati ng mga ari-arian kapag may divorce.

Reset financial priorities

Kapag may divorce, magkakaroon ang bawat isa ng pagkakataon na magbago ang buhay. Aminin man natin ito o hindi, kaakibat nito ang paghawak sa pera.

Ang dating salungat na mga plano na maaring pinagmumulan ng di pagkakasunduan ay mawawala at makapagsisimulang muli. Dahil dito, magkakaroon din ng panibagong pagkakataong maging masayang muli.

Maayos na batas sa divorce

Kung anuman ang dahilan ng paghihiwalay ay labas na ako doon. Tanging ang dating mag-asawa lamang ang makakaalam at makakapagdesisyon nito. Malalaki na sila at alam na nila ang tama para sa kani-kanilang buhay.

Ang kailangan natin ay batas na makakatulong para maibsan ang paghihirap sa loob ng hindi mapagpalayang kasal.

vincerapisura.com


One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: