was successfully added to your cart.

Cart

Budgeting para sa mga OFWs

By November 27, 2017 Budgeting

Itinuturing ng International Organization for Migration (IOM) ang pag-migrate bilang ang proseso ng paglipat – – pagtawid man ng international border, o sa loob ng estado. Isa itong population movement, sinasaklawan ang anumang pagkilos o paglipat ng mga tao, anuman ang tagal, komposisyon, at sanhi.

Kasama rito ang pag-migrate ng mga refugee, displaced persons, uprooted people, at economic migrants. Marami pang mga salik ang pag-migrate, pero kaugnay ng personal na pananalapi, tatalakayin natin ang migration sa konteksto ng mga economic migrant.

Ang mga economic migrant ay maaaring maging temporary, seasonal, o permanent migrant. Tinutukoy ng IOM ang mga temporary migrant bilang dalubhasa, may kasanayan, o di-hasa na mga manggagawa na mananatili sa bansang tatanggap sa kanila sa loob ng tiyak na panahon, ayon sa work contract ng indibiduwal na manggagawa o service contract ng isang kumpanya.

Tinatawag din silang contract migrant workers.

Ang seasonal migrant ay migrant worker na may trabahong nakasalalay sa pana-panahong kondisyon at kailangan lamang gampanan sa tiyak na bahagi ng taon. Ang mga permanent migrant o settler ay mga migrant na legal nang nakapasok para manatili sa bansang tumanggap sa kanila, kasama na ang mga taong papapasukin sa bansa para makapagsama-sama ang kanilang pamilya.

Sa diskusyon natin tungkol sa pagba-budget, puwede nating ipagsama ang mga temporary migrant at seasonal migrant tapos magkaroon ng bukod na talakayan para sa mga permanent migrant.

Tututukan ng diskusyon tungkol sa pagba-budget ng temporary at seasonal migrant ang mga nasa uring manggagawa, tulad ng mga domestic worker, manggagawa sa pabrika, trabahador sa construction, at seasonal agricultural workers.

Tingnan natin ang kaso ni Angie. 20 taon nang nagtatrabaho si Angie bilang domestic worker sa Hong Kong. Limampu’t isang taong gula na siya at wala pang asawa. Ipinapakita ng talahanayan sa ibaba kung paano magagamit ng isang karaniwang temporary migrant ang budgeting rule.

Insurance

Karamihan sa mga temporary migrant ay walang insurance coverage, maliban na lamang kung hingin ito sa kanila. Dahil karaniwang breadwinner ng mga pamilya nila ang mga temporary migrant na ito, mahalagang mayroon silang sapat na insurance coverage.

Hindi raw makapag-iipon ang mga migrant na ito dahil sagot din nila ang mga emergency na gastusin ng mga kamag-anak nila sa Pilipinas. Kung ganoon ang kaso, papayuhan ko silang kumuha ng PhilHealth para sa puno ng pamilya sa Pilipinas nang sa gayon ay meron na silang medical insurance.

Kung may magkasakit, puwedeng tumuloy sa mga pampublikong ospital ang pamilya nila upang magpagamot. Sa paraang ito, sasapat na ang PhilHealth upang mabayaran ang pagpapagamot.

Ang pinakamainam na paraan upang mapangasiwaan ang labis-labis na pagpapadala ng kinikita ay kumuha ng insurance para sa pamilyang nasa Pilipinas. Ang solusyon dito ay ilipat ang risk para hindi na sila mismo ang papasan nito.

Savings

Maraming paghihirap ang mga migrant sa kanilang pag-iipon. Pinakakaraniwan na rito ay ang paniniwala ng mga migrant at ng pamilya nila na hindi sumasapat ang kanilang kita para masustentuhan ang pang-araw-araw nilang mga pangangailangan.

Ang mainam na tugon sa problemang ito ay magsimula nang magtabi ng pera, kahit maliit na halaga lang muna. Ugaliin ito – araw-araw o linggo-linggo – upang masanay ang sarili sa pag-iipon.

Lalaki rin ang halaga niyan paglipas ng panahon. Mahalaga ritong magkaroon ng tibay ng loob upang huwag panaigin ang pangangamba, at umpisahan na ang pag-iipon. Puwede ka ring maghanap ng iba pang paraan para makatipid. Puwede mong ipagpaliban muna ang mumunting gastusin at itabi na ang halagang matitipid.

Gaya ng mga micro-entrepreneur at self-employed professional, hindi rin regular ang pagpasok ng kita ng mga seasonal migrant. Mas malaki ang kinikita nila habang nagtatrabaho bilang seasonal migrant kaysa sa kinikita nila sa Pilipinas.

Tulad ng nabanggit kanina, puwede namang magbago-bago ang itatabing halaga. Maliit ang maitatabi kapag lean season, malaki kapag peak season.

May mga domestic helper sa Amsterdam o Rome, halimbawa, na walang fixed income dahil wala silang fixed employment. Lagi ko silang pinapayuhang magtabi ng mas malaki kapag marami silang work hours, at magtabi ng mas maliit kapag kakaunti.

Loans

May iba namang nagsasabing baon na baon sila sa utang kaya’t hirap silang mag-ipon. Pinaaalalahanan ko silang dapat ay bayaran muna nila ang kanilang mga sarili.

Ang bayad nila sa sarili nila ay nasa anyo ng ipon, na ipangbabayad sa mga utang. Kung nahihirapan kang mabayaran ang iyong inutang, puwede ka namang makiusap na aregluhin muna ang mga tuntunin at kondisyon ng utang para mapadali ang iyong pagbayad.

Puwede ka ring maghanap ng mas murang pautang. Hindi magandang pakiramdam ang paghihikahos para lang maipambayad ang pinaghirapan mong kita sa interes ng utang. Karaniwan, inirerekomenda kong ibenta o i-alok ang mga asset bilang kabayaran para lang mawala na maling pag-utang.

Palagi ring dinadahilan ng mga migrant na kaya nahihirapan silang mag-ipon ay wala raw silang iba pang mapagkukuhanan ng kita. Mahirap nga namang makakuha ng extra income kung nagtatrabaho ka na nang 16 na oras sa isang araw, gaya ng karamihan ng mga domestic helper na wala man lang sapat na oras para makapagpahinga.

Sa kasamaang palad, wala talagang ibang solusyon dito kundi subuking maghanap ng paraan upang makalikha ng karagdagang ipon. May mga kilala akong domestic worker sa Rome na nagtuturo ng Ingles online sa mga Koreano.

May mga domestic worker din sa Paris na nag-aalok ng iba pang serbisyo sa mga employer nila, gaya ng manicure at pedicure, para magkaroon ng extra na kita. Sa Hong Kong naman, may mga domestic worker na naglalako ng mga simpleng meryenda kapag day off nila.

Ang lahat ng ito’y nakalilikha ng karagdagang kita na kung maiimpok ay maaaring maging malaki-laking halaga. Dapat ding himukin ng migrant ang kanyang pamilya sa Pilipinas na pumasok sa kapaki-pakinabang na trabaho nang sa gayon ay makaambag naman sila sa kinikita ng pamilya.

Ang pag-iipon ay isang desisyong kailangang gawin. Kailangang maging desidido kang magtabi ng bahagi ng iyong kinikita at magkaroon ng disiplina para laging unahin ang pag-iipon.

Pagdesisyunan kung anong halaga ang gusto mong ipunin araw-araw at gamitin ang iyong mga pinansiyal na hangarin at layunin bilang inspirasyon. Dapat ding mapagsang-ayunan ng pamilya ng migrant na magtipid at mag-ipon.

Makatutulong din kung paligiran mo ang iyong sarili ng mga taong financially stable o kilala sa iyong komunidad bilang marunong sa pera. Kaibiganin ang mga taong ito at humingi ng mga payo hinggil sa pagtitipid at pag-iipon.

Siguradong mas produktibo itong paggamit ng inyong oras kaysa sa pagtsitsismisan.

Investment

Marami sa mga migrant worker ang hindi nagtatabi ng anumang halaga para sa pag-iinvest. Masyado silang nakatuon sa pagsusustento sa mga pangangailangan ng pamilya nila.

Karamihan sa kanila, tinuturing nang pinakamalaking investment ang bahay nila. Hindi ko sila masisi gayong pangunahing pangangailangan naman talaga ang tirahan, at ang pagmamay-ari ng sariling bahay sa Pilipinas ay mabuting indikasyon na hindi ka naghihirap.

Sa pananaliksik na isinagawa ng SEDPI noong 2011, napag-alamang isa sa tatlong migrant worker ay labis ang ibinabayad para sa halaga ng kanilang mga bahay. Batay sa parehong pananaliksik, nakita ring 70-80% ng mga asset ng migrant worker ang karaniwang ini-invest sa pabahay.

Hindi naman masama ito. Iyon nga lang, napupunta ang assets nila sa hindi naman napagkakakitaan. Palagay ko, dapat umiwas ang mga migrant worker sa pag-iisip na panggasta lamang ang pera nila.

Kailangan na nilang magkaroon ng mas produktibong mentalidad sa pamamagitan ng pag-invest.

Karamihan sa mga migrant, lalo na iyong mga nasa Hong Kong, Singapore, Middle East, at iyong mga walang papeles ay hindi nagbabayad ng buwis. Dapat samantalahin nila ito.

Sa halip na gamitin ang perang napunta sana sa pagbabayad ng buwis bilang karagdagang budget para sa mga gastusin, puwede nila itong gamitin sa mas produktibong paraan at mag-invest. Dapat tingnan ang mga tax break bilang pagkakataong mag-invest, hindi magwaldas.

Ipagpalagay nating ang average tax rate ng Pilipino ay 15%. Dapat idagdag ito sa 20% na budget para sa investment. Iaangat nito ang halagang puwedeng i-invest hanggang 35% na bahagi ng kabuuang kita.

Kung nakapagtaguyod na ng emergency fund, maidadagdag pa ang 15% na ipon na iyon. Lumalabas na 50% ng kabuuang kita ang budget para sa pag-iinvest. Sa loob ng sampung taon, sasapat na ang investment portfolio ng isang migrant worker upang makabalik at manatili sa Pilipinas.

Expenses

Ang pagkukuhanan ng mga pangunahing gastusin ay ang kinikita sa Pilipinas. Ibig sabihin, ang budget para sa pagkain, tirahan, tubig, kuryente, internet, at pananamit ay dapat manggaling sa kita ng nakatira sa Pilipinas.

Ito ay para makaiwas sa biglang pag-angat ng pamumuhay na mangangahulugang tataas din ang mga gastusin. Sa kabilang dako naman, ang mga pinansiyal na hangarin o layunin o financial goals ay dapat matustusan ng perang ipinapadala ng migrant worker.

Halimbawa, ang pera para sa pagpapa-aral ng mga anak, pagpapagawa ng bahay, o paglilikom ng puhunan para makapagsimula ng negosyo ay dapat manggaling sa ipinadalang kita. Ito ay para masigurong mayroong matalim na pagtuon sa mga hangarin at layuning pinansiyal nang sa gayon ay makamit ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Nasa mas magandang posisyon ang mga permanent migrant kaysa sa mga temporary migrant dahil napakikinabangan nila ang mga benepisyo ng isang ganap na mamamayan. Karamihan sa mga permanent migrant ay mga permanenteng tirahan o citizen sa mga maunlad na bansang nakapagbibigay ng mabubuting serbisyong panlipunan at benepisyo sa pagreretiro o retirement benefits.

Madalas silang umaangal na masyadong malaki ang binabayaran nilang buwis; hindi nila napapahalagahan ang mga benepisyong nakukuha nila sa gobyernong tumanggap sa kanila. Madalas nila itong binabalewala.

Hindi naman komplikado ang pagsasakatuparan ng 5-15-20-60 budgeting rule. Sa una, medyo mahirap itong isagawa ngunit kung magsusumikap, malilinang din ang mabuting kaugaliang pinansiyal.

Maaari itong bagu-baguhin upang umayon sa mga pangangailangan ng indibiduwal o pamilya. Maaari rin itong i-customize ayon sa mga hangarin at layuning pinansiyal.

Ang mahalaga ay laging magkaroon ng pera para sa insurance, ipon, at investment. Kasabay nito, kailangang mabawasan o mapagpaliban ang paggasta upang mailaan ang pera sa magiging unang insurance, ipon, at investment.

Ang pagpapahalaga rito ang maglilikha ng passive income tungo sa financial freedom stage, at magdudulot ng pagpapagaan ng mga risk.

 

vincerapisura.com


3 Comments

  • Simon says:

    Sir vince bakit hindi ko n po maibukas yung budget quiz, sa budgeting rule 5-15-20-60?

  • Melissa says:

    Hi Sir Vince,
    Nakita ko ang video ni Sinon, maganda ang topic at narinig ko rin ang topic sa handling financial advices nyo. Direct na po ako sa tanong ko Sir Vince, ako po ay OFW nasa dubai 8yrs na po ako. Single mother po ako sa dalawa anak, Ako po ay 47 yrs old. kya po ako nag abroad. May loan po Pagibig Housing loan. Tanong ko po anon pong advice nyo sa akin na gusto ko ng mag for good sa 2020. Anong negosyo dapat at magkano ang dapat kong capital para sa panimula dito maliit na negosyo na ipunin ko. Para ma patuloy ko ang bayarin sa pagibig housing loan at pang araw araw na gastusin. Kung active interest or passive interest. Kc clear po ninyo na papaliwanagan ang tulad namin na nonood show nyo. Mabuhay po kayo!

    Thank you so much,
    Melissa

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: