Ang isa sa pinaka-secure na investment vehicle na dapat mong pasukin
Halimbawa ng bond
Noong 2016, naatasan ang aking kumpanya – SEDPI, na gumawa ng due diligence audit sa ASA Phiilippines. Ang ASA Philippines ay isang microfinance NGO na nagbabalak gumamit ng bond upang pondohan ang kaniyang expansion plans.
Ang Credit Guarantee and Investment Facility ng Asian Development Bank ang kumuha sa amin para gawin ito. Naging successful ang bond offering noong February 2017 at nakapag-issue ng PhP2 bilyong bonds ang ASA Philippines sa coupon rate na 4.5% na magma-mature sa loob ng limang taon.
Halimbawang nag-invest tayo ng PhP100,000 sa bond na ito, kikita tayo ng PhP22,500 bago magbayad ng buwis. Ito ay PhP100,000 x 4.5% x 5 = PhP22,500.
Babayaran tayo ng ASA Philippines ng PhP4,500 kada taon pero ang matatanggap na lang natin ay PhP3,600 dahil sa 20% na withholding tax na ipapataw ng BIR. Sa ika-limang taon, ibabalik ng ASA Philippines sa atin ang par value – PhP100,000.
Basic types ng bonds
May tatlong klase ng bonds sa Pilipinas – regular bond, callable bond at zero-coupon bonds.
Ang regular bond ay kung saan ang bond issuer ay magbabayad ng periodic interest payments sa bondholder. Pagdating ng maturity date, babayaran ng bond issuer ang face value sa bondholder.
Kapag callable bond naman ang binili, ang pinagkaiba lamang ay maaring bayaran ng bondissuer ang bondholder bago pa mag-mature ang bond.
Ang zero-coupon bonds naman ay karaniwang mabibili sa mas mababang halaga ng par value ng bond. Matatanggap ng bondholder ang nakatakdang par value sa maturity ng bond. Hindi rin nagbibigay ng periodic interest payment ang mga zero-coupon bonds.
Paano kikita sa bond
Kikita ang isang investor sa bond sa interest na ibinabayad ng bond. Pero maari ding kumita sa pamamagitan ng pagbebenta ng bond sa secondary market.
Kapag nagbenta maaring ibenta ang bond “at a discount,” mas mababa sa par value, ibig sabihin nalugi sa pagbenta nito. Maari ding “at a premium,” mas mataas sa par value, ibig sabihin kumita sa pagbenta nito o kaya naman “at par” o pareho lang ng par value kaya breakeven.