May mga taong bago nagging matagumpay sa pera ay minsan nagging walang-wala o financially broke. Maraming sa kanila ay ginawang inspiration at motivation ang kalagayang ito para magpursigi tungo sa tagumpay ng buhay.
Anu-ano nga ba ang mga senyales na ikaw ay walang-wala?
Narito ang ilan…
Noodles ang inulam mo kanina
Noon ang sukatan ng pagiging hikahos ay kapag galunggong ang ulam. Makalpias ang ilang taon, naging sardinas ang sukatan.
Ngayon ang sukatan na ay instant noodles. Sikat din ang instant noodles bilang pagkaing pinapamigay kapag may relief operations sa panahon ng kalamidad.
Noodles ang inulam mo kanina hindi dahil gusto mo nang mainit na sabaw pero dahil barya lang nahugot mo sa bulsa mo.
Nakikisagap ng WIFI signal sa kapitbahay
Sa panahon ngayon, isang pangangailangan na ang pagkakaroon ng internet connection. Pero dahil mas marami ka pang kailangang unahin sa budget, nagta-tiyaga ka sa mahinang signal ng WIFI ng kapitbahay mo.
Bumabagal ang netspeed ng kapitbahay mo dahil dito kaya sila madalas magpalit ng password. Ikaw naman hindi makakuha ng “clue,” katok pa rin nang katok para humingi ng bagong password.
Naputulan ka ng tubig o kuryente
Ginagawa mo na lang mistulang “candle-lit dinner” ang hapunan dahil walang natira sa budget. Mas mainam nang may makain kaysa may ilaw, di ba?
Umaabot na sa nagbabaon ka ng damit sa office para maligo doon. Inaagahan mo na lang ang pagpasok para hindi mahalata ng mga ka-opisina.
Inuutang mo pamasahe mo
Tuwing papasok ka sa umaga ginigising mo ang roommate mo para makautang ng pamasahe. Sa uwian naman, sa katrabaho mo ikaw humihiram.
Minsan ang paalam mo sa office “work from home” ka na lang. Ang totoo, wala kang pamasahe papuntang opisina.
Nakakahinga ka din nang maluwag kung may masasabayan kang ka-opisinang may sasakyan at nagmagandang loob na ibaba ka sa malapit sa inyo.
Laging petsa de peligro
Kahapon lang binigay ang suweldo pero simot na agad ang laman ng ATM mo. Dahil ito sa mga bayarin tulad ng tubig, kuryente at mga utang mo pakiramdam mo ay petsa de peligro na naman.
Wala halos natitira sa iyo at ang karaniwan mong solusyon ay ang mangutang para makaraos.
Listahan mo sa sari-sari abot hanggang kabilang kanto
Takbuhan mo ang sari-sari store sa mga pang-araw-araw mong pangangailangan. Minsan hindi ka na pinapayagang makautang muli dahil mahaba na ang listahan mo at matagal na nung huli kang nag-update sa utang mo.
Dahl dito, humahanap ka ng ibang daan pauwi para hindi ka madaan sa suking sari-sari at mapaalalahanan o masingil.
Ang pinaka-grabeng sitwasyon nito, hindi lang iisang sari-sari store ang may listahan ka. Lahat ng tindahan sa kalye niyo may listahan ka.
Hindi lang ka lang sa roommate, ka-trabaho o sari-sari store may utang. Maski ang mga salary loan sa office, SSS at Pag-IBIG sagad mo na. Kung makakautang nga lang sa PhilHealth at sa BIR ay malamang may utang ka din doon.
Gamit na ang advance at deposit sa renta
Hinahabol ka din ng landlord mo dahil di ka pa rin nakakabayad kahit gamit mo na ang advance at deposit mo sa renta. Lagi mong pangakong sa susunod na sahod ay babayad ka na.
Tuwing uuwi ka ng boarding house o apartment ay nangangamba kang baka hindi ka na makapasok dahil iba na ang kandado o kaya naman ay nasa labas na ang mga gamit mo.
Temporary lang
Of course, ang mga ginawa kong pagsasalarawan ay may katatawanan ay may kaunting exaggeration. Pero kung ikaw ay naka-relate sa isa o mas marami pa sa mga nabanggit ko, tularan mo ang ibang mga nagtagumpay na dumaan din sa hirap tulad mo.
Gawin mo rin itong inspiration at motivation para baguhin ang iyong kapalaran. Pagibayuhin ang paghahanap ng mga mapagkakakitaan – trabaho, negosyo at investments. Pagigtingin din ang pagtitipid sa pamamagitan ng pagiging malikhain at maparaan.
Naalala ko lang Yung vinegar with asin okay nang ulam sa kanin o kaya bagoong isda sabawan at lakipan ng sibuyas dahon para lumasa…mahirap kung isipin ngayon pero nuon masaya namang narausan.
#poverty #motivation #forsuccess #ofw #Godisreallygood
Yong nilagang saging sa umaga, tanghali at gabi kasi walang bigas….???? walang pambili bigas????
Tama po ang lahat ng yan at maay gusto ako idagdag sir Vince.
Wala ng mautangan,
Kadalasang takbuhan natin pag tayo ay kinakapos ay ang mga nagpapa utang o 5’6 ngunit pag napansin mo na na lahat na ng taong kilala mo ay nautangan mo na at wla ka ng makita pang bakante na pwde mong mautangan dahil d ka pa nakakabayad marerealize mong financially drained ka na
Pag a abroad
Naisipan mo na ang pag aabroad kahit na wla kang ka plano plano umalis at iwanan ang pamilya o mga anak mo kaso no choice ka dahil every day may kumakatok sa pinto mo para maningil ng utang mo at wala ka ng nakikitang ibang paraan para makabayad kundi ang mangibang bansa.
Yung time na nangungutang ka sa kamag anak tapos sasabihan ka ng wala.. pero meron .. pawawalan ka.. ????????????
#happyofw
#ksa
#loveyourself
Hi Sir Vince,
Natatawa ako sa mga scenario na binabanggit nyo. Mayroon pang mas malala sir, Yung pati asin at bitsin hiningi sa kapitbahay. ????
Oo, nga. =)