Maraming mga Filipino ang nag-iisip na hindi kanais-nais ang usapin tungkol sa pera. Hindi natin ito pinag-uusapan sa pamilya dahil madalas na nagiging dahilan ng hindi pagkakaintindihan, ng maiinit na sagutan, at argumento.
Napaka-stressful nitong pagusapan lalo na sa mga minamahal natin sa buhay. Karamihan sa mga Filipino ay ayaw pag-usapan ang pera dahil napaghahalo nila ang emosyon sa mga desisyong pampinansyal.
Lahat halos ng mga financial advisers ay nagpapayo na hindi mainam gumawa ng financial decisions kung nasa napaka-emosyonal kang estado. Kinakailangang may pagkamaykatwiran o rationality kapag tayo ay gumagawa ng mga financial decisions.
Ang limang emosyon ng takot, galit, bagabag, hiya at inggit ay kontra sa kakayahan nating gumawa ng tamang desisyon.
Takot
Ang takot ay nakakabagabag na emosyong umusbong mula sa panganib, kasamaan o sakit, na totoong nangyayari o nasa isip lamang.
Mayroong tatlong uri ng takot na matatagpuan sa konteksto ng Pilipinas. Ito ay ang takot na mawalan ng nagmamahal, takot na maiwanan, at ang takot sa bagay na hindi nakasanayan.
Galit
Ang galit ay emosyong nagpapasama ng loob at agresyon na umusbong mula sa isang maling gawi.
May tatlong uri ng galit na nakahahadlang sa atin sa personal finance success. Ito ay ang galit sa pamilya, galit sa pera, at galit sa mundo.
Guilt o Pagkabagabag
Ang guilt o pagkabagabag ay ang pakiramdam ng tao na pakiwari niyang responsible siya o may pananagutan sa isang pagkakamali o pag-aalinlangan ng iba lalo na ng miyembro ng pamilya o kaibigan. Napaka-irasyunal ng takot na nalilikha nito dahil sinisisi mo ang sarili sa isang pagkakamali na hindi mo naman ginawa.
Ang mga halimbawa ng guilt ay pagkabagabag kapag hindi nakakatulong sa pera; pagkabagabag dahil may-kaya ka at ang mga kamag-anak mo ay wala; at pagkabagabag sa kasalanan ng iba.
Hiya
Ang hiya ay hindi magandang pakiramdam na nagmumula sa kamalayan dahil may nagawa kang hindi kaaya-aya, masama o katawa-tawa sa sarili o sa iba.
May tatlong uri ng senaryo na masasabing nakakahiya at nakakasagabal sa personal finance success. Ito ay ang marumihan ang pangalan ng pamilya dahil sa kahihiyan, ang kahihiyan ng pagpapanggap, at ang konsepto mismo ng hiya.
Inggit
Ang inggit ay isang pakiramdam ng hindi pagkakontento o pag-iimbot na may kinalaman sa kapakanan, tagumpay, at pag-aari ng isang tao. Sa konteksto ng Pilipinas, may iba’t ibang uri ng inggit, pero dalawa ang pinakamatingkad. Ito ang inggit sa nakamit na tagumpay ng iba at inggit sa kayang bilhin ng iba.
Turn negative to positive
Lahat tayo ay dinadatnan ng mga negatibong pakiramdam pero nasa atin kung paano natin ito haharapin at bibigyang ng solusyon.
Ang takot ay maaring palitan ng tapang; ang galit ng kaligayahan; ang pagkabagabag ng malinis na konsensiya; ang hiya ng karangalan; at ang inggit ng pagiging kontento.
Alalahanin na maaring gamitin ang mga negatibong bagay bilang inspiration at motivation para makamit ang iyong mga personal financial goals.