Ayon sa librong, “Difficult Conversations,” may tatlong pagtingin sa isang pag-uusap. Ang una ay ang “what happened?” conversation; pangalawa ang feelings conversation; at pangatlo ang identity conversation.
Mahalaga ang tatlong pagtingin na ito upang mas maunawaan natin ang isa’t-isa at para na rin magkaroon ng mabuting aksyon o desisyon pagkatapos. Ito ngayon ang ginagamit ko sa pakikitungo sa kapwa.
Malaki ang naging epekto nito sa akin at napapansin din ito ng mga nakapaliibot sa akin. Sabi nila’y mas kalmado daw ako ngayon.
“What happened?” conversation
Ang unang dapat tingnan sa mga pag-uusap o mga pangyayari ay kung ano ang naganap. Ini-emphasize ng mga sumulat ng libro na may multiple stories o maraming version ng kuwento at hindi ito iisa lamang.
Sa isang pag-uusap o pangyayari, maging aware sa kung ano ang palagay mo sa naganap na pag-uusap o pangyayari. Pero ang mas mahalaga ay maging aware ka din dapat sa kung ano ang palagay ng mga taong nakausap mo o nakasama sa pangyayari.
Sa isip, ilatag kung paano mo nakita ang pag-uusap; gayon din, sikaping tingnan kung paano ito nakita ng mga nakasalamuha. Sa ganitong paraan makikita mo kung paano ikukuwento ang isang pangyayari; at kung paano din nila ito ikukuwento.
Mas magkakaroon ka ng malawak na perspektibo at pangunawa kung ito ang gagawin. Lilinaw kasi kung ano ang intensyon mo at ang epekto nito sa kanila and vice versa.
Contribution instead of blame
Binibigyang diin ng libro, na sa gitna ng isang problema, mas magandang mag-focus sa kontribusyon mo sa problema kaysa pagtuunan ng maraming oras kung sino ang sisisihin o may kakagagawan ng problema. Isipin kung ano ang naging kontribusyon mo, at gayon din ang maaring naging kontribusyon ng iba.
Malalaman kung ano ang nagdulot ng problema sa halip na maghanap kung sino ang sisisihin o kaya naman ay magtuturuan. Magkakaroon din ng konkretong mga kailangang gawin upang mabigyang solusyon ang problema.
Kapag sisihan o turuan ang ginawa, malalaman mo lang kung sino ang may sala sa problema. Karaniwang hindi ito nakakapagdulot ng solusyon sa problema. E ano ngayon kung nalaman natin kung sino ang may sala? Hindi ba mas maganda kung ang naisip natin ay solusyon sa problema kaysa kung sino ang may sala?
Feelings conversation
Sa isang pag-uusap o pangyayari, laging bigyan ng pansin kung ano ang nararamdaman o feelings. Malaki ang epekto ng ating nararamdaman sa magiging outcome ng pag-uusap o pangyayari.
Halimbawa, nakakaramdam ng galit, mas makabubuting pigilin ang pagsasalita habang galit kasi mahirap pumili ng tamang salitang bibitawan sa ganitong estado. Kayaning ihiwalay ang nararamdaman o feelings sa pinag-uusapan o kaya naman ay pangyayari.
Iwasang isantabi ang feelings, bagkus ito ay bigyan ng sapat na panahon at bigyan nang pansin. Kapag na-recognize kasi ang pakiramdam, may affirmation na nagaganap at mas madali itong maihihiwalay sa issue ng pinag-uusapan o pangyayari.
Pagsumikapang mag-reach out para i-recognize ang feelings. Maganda ring ipahiwatig ang nararamdaman pero iwasang mag-amok.
Ito ang mga pangkaraniwang negatibong pakiramdam – takot, hiya, galit, inggit at pagkabagabag. Maari itong palitan ng tapang, karangalan, kaligayahan, pagiging kontento at pagkakaroon ng malinis na konsensiya. (Basahin: Limang emosyong sagabal sa personal finance success)
Identity conversation
Ang identity conversation naman ay ang pagtukoy sa iyong pagkatao o karakter sa pag-uusap o pangyayari. Ang advice ng libro ay iwasang magkahon sa black or white o kaya naman ay bida o kontrabida.
Pinapaalalahanan na ang gamitin sa pagtukoy ay ang kulay ng rainbow o bahagahari. Nangangahulugang ang isang pag-uusap o pangyayari ay makulay.
Kapag kami ay may hindi pagkakaunawaan ng aking partner ito parati ang iniisip ko. Hindi lamang iisa ang nararamdaman ko kasi ako ay isang complex na tao, tulad ng lahat.
Sinisimulan ko ang pag-uusap namin sa bawat nararamdaman ko at konteksto nito para mas magkaunawaan kami. Ganun din ako sa kaniya.