Paanong nakakasagabal sa pagyaman ang takot
Nagsisimula sa lambing ang ganitong sitwasyon. Ekspresyon ang lambing kapag may hinihiling tayong pabor sa kapwa. Inaakalang pagmamahal ang nanaig kapag napagbigyan sa hinihiling o hinihingi.
Tipikal sa mga anak na maglambing sa mga magulang kung may nais silang ipabili. Hindi naman ito masama kung hindi magiging pang-aabuso, na mas karaniwang nagiging kaso. Ang pag-abuso sa lambing ay isang panghuhuthot.
Kapag nagsimula ang panghuhuthot, nagdudulot ito ng takot. Ayaw ng OFWs na isipin ng pamilya nya na hindi nya sila mahal. Isa ito sa pinakakinatatakutan nila.
Kapag ginamit na ang emosyong ito sa kanila, mas madali silang mapasunod sa mga kahilingang pampinansya ng kanilang pamilya. Dahil sa pag-alis ng OFWs, hindi nila maipapaliwanag ang kanilang sarili at hindi rin makapag-isip ng mga pabor na walang kinalaman sa pinansya, kaya napipilitan silang magpadala na lamang ng pera katumbas ng kanilang pagmamahal.
Ang resulta ay ang pagdepende ng pamilya sa kanilang mga padala. Dahilan ng ganitong pagdepende sa kanila ng pamilya kaya’t hindi na nila naiisip na pumili nang mas maayos na pagtatrabahuhan, gayundin ay mas gumagastos sila ng malaki kaysa sa kinikita nila.
Paano natin sila maiaahon sa takot na mawalan ng magmamahal? Para masagot ito ay kailangan muna nating bigyan ng kahulugan ang pagmamahal/Pag-ibig? Sa Ateneo, isang semestre halos ang ginugol namin sa Theology para pag-usapan ang tungkol dito.
Ginamit namin ang tatlong depinisyon ng pagmamahal/pag-ibig ni Scott Peck. Una, tinutulungan ka nitong lumago. Ikalawa, isa itong choice o paghirang. Ikatlo, isang gawain rin ang pagmamahal/pag-ibig.
Bakit mahalaga ang pagbibigay-kahulugan sa pagmamahal/pag-ibig? Maaari kasi itong mai-apply sa sitwasyon ng mga OFW na inilarawan kanina.
Kapag umaasa na lang ang pamilya ng OFW sa kanya para sa kanilang mga pangangailangan, hindi na sila lalago sa kanilang sarili. Kaya’t ang dapat dito ay tough love.
Kailangang i-practice din ng OFW ang pagpipigil sa laging pagpapadala ng pera sa kanyang pamilya para magsikap rin silang humanap ng trabaho at magkaroon ng sarili nilang careers. Sa ganitong paraan sila magkakaroon pa ng income at matututong mabuhay ng ayon lang sa kanilang kita.