Ang Unit Investment Trust Fund (UITF) ay isang open-ended pooled trust fund sa mga commercial banks. Nagi-invest ka kasama ng mga investors sa isang trust fund ng trust professional sa loob ng bangko na siyang humahawak o nagma-manage ng pag-invest sa stocks, bonds o money market.
Bumisita sa commercial bank
Kung hindi ako nagkakamali, halos lahat ng commercial bank sa Pilipinas ay may UITF. Magpunta sa pinakamalapit na commercial bank at magtanong sa mga tellers o bank manager.
Hindi naman kinakailangan na may savings account ka sa commercial bank na napili mo. Separate financial product naman ito.
Customer information at signature card
Bibigyan ka ng mga forms ng commercial bank at kasama dito ang application form kung saan kukunin nila ang iyong personal information katulad ng pangalan, tirahan, birth date at iba pa. Kaya maiging magdala ng isa o dalawang valid government-issued IDs.
Ito ay para sa KYC o Know Your Client compliance nila. Sinusiguro nilang wala ka salistahan ng mga terorista o money launderers at galing sa malinis na paraan ang pumapasok at lumalabas na pera sa iyong account.
Bibigyan ka din nila ng signature card para ito ang gagamitin nila na i-verify na ikaw ang gumagawa ng transaksyon in the future.
Client Suitability Assessment
Ginagamit ang client suitability assessment form upang maintindihan mo kung anong klaseng investor ka base sa iyong mga investment objectives, risk appetite, cash flow at iba pang mga impormasyong may kinalaman sa iyong pagiging investor. Nakasaad sa form na hindi ito komprehensibo pero makakatulong na rin para magkaroon ka ng general idea kung anong investment ang iyong kikilingan.