Ang interest ang ibinabayad bilang kapalit sa paghiram sa pera. Nakakatanggap ng interest ang nagpahiram ng pera (lender) bilang kabayaran sa pagpayag niyang tumanggap ng risk o panganib.
Ano ang panganib na ito?
Simple. Panganib na maaring hindi siya mabayaran.
Isang halimbawa ng bagay na binabayaran ng interest ay ang utang. Sa bawat pautang, may panganib na hindi makabayad ang nangutang (borrower).
Sa totoo lang, ang interest ay ibinabayad ng borrower upang magamit niya ang pera ngayon kaysa mag-antay siya hanggang maka-ipon ng parehong halaga sa pamamagitan ng savings.
Higher default, higher interest
Habang tumataas ang panganib na hindi makakabayad ang borrower (default), tumataas din ang interest. Kaya sa 5-6, isa sa mga dahilan na malaki ang interest nito ay dahil mataas din ang default.
Dahil sa masusing pagpili ng mga bangko ng kanilang borrowers, na makikita sa katakot-takot nilang document requirements at collateral, mas mababa ang kanilang default rate. Kaya naman di hamak na mas mababa ang interest ng utang sa bangko kaysa sa 5-6.
Interest rate
Ang interest rate naman ay ang halaga na itina-charge ng lender sa borrower. Ito ay naka-base bilang porsiyento ng kabuuang halaga ng pinautang (principal).
Tinatawag din na cost of debt sa borrower at rate of return naman sa lender ang interest rate.
Pagkakapareho ng interest at rent
Kung susuriin nating mabuti, ang interest ay para ding renta. Kung ang interest ang ibinabayad sa paghiram ng pera, ang renta naman ay ang bayad sa paghiram ng mga ari-arian tulad ng real estate (apartment, boarding house etc.) at equipment (kotse, heavy machineries).
Mga uri ng interest
May iba’t-ibang klase ng interest. Dahil sa mga ito, maaring marami ang hindi talaga alam kung magkano ang gastos na kanilang binabayaran sa kanilang utang.
Ang mga interest na dapat maintindihan lalong-lalo na kung papasok sa negosyo o kaya naman ay mag-iinvest ay ang mga sumusunod:
- Simple interest o nominal interest
- Compound interest
- Annual percentage rate
- Effective interest rate