was successfully added to your cart.

Cart

Paano gagamitin ang kakilala (nang hindi nang-aabuso) para sa pagyaman

Nabanggit ko na dati na may apat na ingredients upang magtagumpay. Ito ay ang kakayahan, kaaalaman, kakilala at kapalaran. (Basahin: Sikreto sa Tagumpay)

Bibigyang pansin ko ngayon ang isa sa apat na ingredients – ang kakilala.

Iba’t ibang klase ng kakilala

Ang unang klase ng kakilala ay tinatawag na acquaintance. Ito ang mga taong hindi malalim ang ating pagkilala at kapag nakasalubong sa daan ay maaring magpalitan lamang ng maikling kamustahan.

Karaniwang natin silang nakikita sa mga salu-salo, parties, kasal, binyag o kaya naman ay seminars o conferences. Maari ding tawaging casual friends ang mga acquaintances dahil may mga pagkakataong nakikisalamuha tayo sa kanila pero hindi umaabot sa personal ang usapang.

May mga kakilala din tayo na ang tawag ay online frinds. Ito yung mga nakilala lang natin sa Internet sa pamamagitan ng social media o kaya mga online forums. Marami sa mga online friends ay hindi pa natin nakikita nang personal at maaring kung saan-saan sa mundo sila nakatira.

Kaibigan naman ang mga kakilala nating may personal na relasyon. Gumugugol kayo ng maraming oras na magkasama at may bonding na tinatawag. May mga kaibigan tayong mas malalim ang ating turingan tulad ng pagiging BFFs o best friends forever at may mga kaibigan namang barkada lang ang level ng ating pakikitungo sa kanila.

Mentor naman ang tawag sa kakilala nating tinitingala natin at karaniwang hinihingan natin ng payo o gabay. Ibinabahagi nila ang kanilang kaalaman at mga karanasan kaya sila ay nakakatulong sa ating pagdedesisyon.

Karaniwang ang mentor ay nakakatanda sa atin pero may mangilan-ngilan ding mas bata sa atin.

Paano mapaparami ang kakilala

Isang paraan upang maparami ang mga kakilala ay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga business events tulad ng trainings, seminars, conferences at maging sa mga personal events tulad ng binyag, birthday parties, kasal at libing.

Sa mga business events, inuugali kong magbigay ng aking business card. Ang mga matatanggap ko namang business card ay agad-agad kong sinusulatan ng email at binabanggit ko lang ang munting pag-uusap para ma-establish ang connection.

Pag dating naman sa mga personal events, karaniwang nagre-request ako na maging Facebook friend kung gusto kong mas magkaroon ng interaksyon sa bagong kakilala. Sinasamahan ko ito ng maikling mensahe para ipahatid na taos-puso ang aking request at hindi lang para paramihin ang aking “friends.”

Sa mga trainings and conferences, isinasantabi ko ang hiya kung hinangaan ko ang tagapagsalita at gusto kong matuto sa kaniya. Nagpa-participate ako during the training at sa mga breaks, lumalapit ako sa kanila upang magpakilala at ipaabot ang aking paghanga.

Isang epektibong paraan din ng pagpaparami sa kakilala ay ang pagiging connector mismo. Sa mga events, mahilig akong ipakilala ang iba’t-ibang mga kakilala ko. Nakakatuwa ang nagiging resulta dahil makikitang nagkakaroon ng meaningful connections ang mga ipinapakilala ko.

Tingnan ang kasalaukuyang network ng kakilala dahil maaring may napapalampas na kakilala na maaring makatulong sa trabaho, negosyo o investment.

Pagtuunan din ng pansin ang iyong communication skills kung seryoso sa pagpaparami ng kakilala. Matutong makinig nang mabuti at magtanong upang makagawa ng ugnayan at tiwala. Subukan ding ipakilala ang sarili sa iba kaysa sa parating nagaantay na may magpakilala sa iyo. Kung nahihiya, kumuha ng kasama sa pagpapakilala.

Maging magalang din at magpaalam nang maayos kung nais umalis sa isang kumpol, lalung lalo na kung sa tingin mo ay hindi naman match ang inyong personality o kaya naman ay objectives.

Paano makakatulong ang kakilala sa pagyaman o pagtagumpay

Sa totoo lang, wala sa dami ng kakilala ang sukatan sa pagyaman o sa tagumpay. Mas maganda pa din ang quality ng mga kakilala. Siyempre kung madaming quaility na kakilala, mas advantage.

Kailangang linawin kung ano ang objective kapag gagamit ng kakilala upang makatulong sa trabaho, negosyo o investment. Laging tatandaan na kailangang pag ilagay sa una ang maayos na relasyon at ingatang hindi mauwi sa hindi pagkakaunawaan ang gagawin.

Maging mapagbigay din sa mga kakilala, hindi lamang sa mga taong nakakatulong sa atin. Kapag nanghingi ng pabor sa kakilala, siguraduhing magbigay ng pasasalamat at sa panahon naman na ikaw ang hihingan, ipakita na ginawa ang makakaya. Ito ay upang maiwasang mapagbintangang manggagamit o di kaya naman ay nangaabuso.

Sa huli, ang pagkakaroon ng makahulugang relasyon ang magbibigay ng kapaki-pakinabang na kakilala. At ito ay naitatatag sa pamamagitan ng parehong pagiging tapat, taos-puso at pagbibigay ng pagpapahalaga sa bawat isa. (Panoorin: Sikretor sa Tagumpay)

vincerapisura.com


One Comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: