Mga negative financial implications ng pagiging LGBT
Hindi puwedeng maging beneficiary ang “anak” sa PhilHealth
Ang mga same-sex partners at ang kanilang anak na inaalagaan at pinapalaki ay hindi kinikilalang pamilya. Kaya hindi mailalagay na beneficiary ang anak sa PhilHealth.
Dahil hindi kinikilala ng batas ang pagsasama ng mga LGBT couples, hindi sila makakapag-ampon upang legal na ma-ampon ang anak. Tulad ng pinsan kong lesbian, ang ginawa nilang mag-partner ay isa na lang sa kanila ang umampon para legal na maging anak ng isa sa kanila ang kanilang anak.
Just the same, hindi pa rin sila matatawag na “family” sa mata ng batas. Pareho lang naman ang ibinubuhos na pagmamahal at pag-aaruga pero hindi pantay ang pagtingin.
Masuwerte pa nga ang pinsan ko dahil may kakayanan siyang mag-ampon. Magastos din ang pag-proseso nito. Paano naman yung mga mahihirap na LGBT?
Hindi fair, di ba?
Hindi puwedeng mag-pamana sa kinikilalang “anak”
Hindi ako magsasawang magpaulit-ulit –dahil hindi kinikilala ng batas ang civil union o domestic partnership para sa aming mga LGBT, ang mga inaalagaan, inaaruga at pinapalaki naming mga anak ay hindi legal na tagapagmana ng aming ari-arian kapag kami ay namayapa.
Ang pagbibigay ng karapatan sa mga LGBT partners na mag-ampon ng mga naulilang bata ay makita sanang oportunidad sa paglutas sa problemang ito ng lipunan. Maraming mga ulila ang magkakaroon ng masayang tahanang kukukukop sa kanila kung mabigyan ang LGBT ng pagkakataon.
Paano na lang ang kinabukasan ng mga anak namin, di ba?
Hindi mabigyan ng pabahay sa relocation sites
Sa mga mahihirap na LGBT sa urban poor communities, hindi sila makakuha ng programang pabahay ng gobyerno dahil na naman hindi sila kinikilala ng batas bilang isang pamilya. Hindi sila kabilang sa census bilang pamilya.
Ang hirap, di ba?
Equal rights
Hindi naman kami humihingi ng espesyal o higit pang mga karapatan. Ang hinihingi lang namin ay ang katumbas at patas na karapatang tinatamasa ng mga straight.
Sana maintindihan niyo ito at samahan kaming ipa-intindi ito sa mga mambabatas natin.