Lahat ng insurance company may term insurance
Ang pinaka-naloloka ako sa mga dulog sa akin ay may mga insurance agents daw na nagsasabing hindi sila nagbebenta ng term insurance. Dati daw ay meron nito, pero ngayon ay wala na.
Isang kabalintunaan.
Lahat po ng insurance company ay may term insurance. Banggitin niyo ang pinaka-malaki, pinaka-sikat o kaya naman ay pinaka-maliit na life insurance company at sasabihin nilang meron silang term insurance.
Samakatuwid, nabalitaan ko lang nitong huli na may critical illness rider na rin ang term insurance ng isang sikat na life insurance company sa bansa. Isang bagay na matagal ko nang hinihintay na i-offer nila dahil dekada na itong ibinibigay sa mga mauunlad na bansa.
So, ang kailangan niyo pong gawin ay kumuha ng term life insurance lamang. Ipinaliwanag ko ang bentahe ng BTID sa “Paanong mas maliit ang fund value sa VUL kaysa sa BTID.” Isinulat ko na din kung “Ok ba talaga ang VUL para sa estate taxes?“ at “Ok ba talaga ang VUL kasi protected ka nito beyond 65 years old compared to term?“ dahil madalas ito ang mga pinangkukumbinse sa VUL bukod sa investments.
Mura lang ang term insurance. Narito ang actual quote sa akin ng isa sa pinakamalaking insurance companies sa Pilipinas at magugulat kayo kung gaano ito kamura.
Base sa edad mo, ito ang estimated na annual premium sa isang milyong coverage ng term life insurance as of November 2017:
Age | Annual Premium (in Pesos) |
21-30 years old | 5,500 to 6,700 |
31-40 years old | 6,900 to 8,900 |
41-50 years old | 9,500 to 14,350 |
51-60 years old | 15,000 to 21,000 |
May mas mura pa dito. Ito naman ay ang tinatawag na Group Yearly Renewable Term (GYRT) insurance na siyang “Pinakamurang term life insurance.”