Nauuso ngayon ang crowdfunding kaya maraming mga first time business owners ang na-aattract dito. Tingnan natin kung ano ang pros and cons ng crowdfunding bilang paraan ng fund raising para sa isang negosyo.
Ang crowdfunding ay isang paraan ng paglikom ng pondo para sa isang negosyo galing sa maraming tao. Karaniwang maliliit na halaga ng ibinibigay ng mga investors at madalas ito ay ginagawa sa Internet.
Maaaring gawin ang crowdfunding sa pamamagitan ng pag-anunsyo sa mga kaibigan, katrabaho, kamag-anak at iba pang kakilala ng iyong business idea at humingi ng maliliit na kontribusyon sa kanila. Pero ang mas popular na paraan ay ang pagsali sa mga crowdfunding platforms.
Nakasalalay sa reputasyon mo at sa lawak ng iyong network ang kakayahan mong maka-raise ng funds. Mahalaga ding compelling o nakakakumbinse ang iyong business idea upang ito ay suportahan ng marami.
Maaaring customers din ang investors
Ang isa sa mga pros ng crowdfunding bukod sa pagkakaroon ng kapital ay ang probobilidad na maging customers mo din ang mga investors. Maganda ito dahil makakatulong sila sa marketing ng iyong produkto o serbisyo.
Puwedeng wala o makamura sa interest
May mga platforms na utang ang labas ng crowdfund at meron din namang equity. Kapag utang, kailangan mo itong bayaran pero ang advantage nito ay hindi ka na dadaan sa loan application na katulad ng sa bangko.
Kapag equity naman, hahatin ang mga investors sa tubo o kaya naman ay pagkalugi mo; kaya hindi mo kailangang magbayad ng interest.
Maaaring makopya ang business idea
Pinakamalaking risk sa crowdfunding ay ang makopya ang iyong business idea dahil ina-anunsyo mo na ang business model o kaya disenyo ng iyong produkto o serbisyo bago mo pa ito maitayo.
Ibayong paghahanda at kakain ng oras
Instead na ma-focus ka sa paghahanda ng implementation ng iyong business plan, magagamit mo ang oras mo sa paghahanda ng mga presentations at social media collaterals tulad ng videos at graphics na kakailanganin para ipakilala ang business idea mo sa mga taong hindi mo kilala sa Internet.
Baka masayang ang oras at energy sa fund raising at mauubos na ito sa panahon na kailangan nang gawin ang negosyo.
Pros:
- Ang investors ay customers din
- Puwedeng walang interest o kaya naman ay makamura sa interest
Cons:
- Maaaring makopya ang business idea
- Kailangan ng preparasyon at kakain sa oras