Paano malalaman kung ano ang tamang investment product na nababagay sa plano o pangarap ko sa buhay?
Napakagandang probema nito at masasabi kong may marami-rami ding nagtatanong nito sa akin. Karamihan ay OFW.
Kadalasan, may na-ipon na silang pera para sa isang bagay at hindi nila alam kung saan dapat ito ilalagay.
Para saan ang pinaglalaanan?
Mahalagang malaman kung ano ang dahilan ng pinaglalaanan o investment purpose. Ito ba ay kailangan (need) o kagustuhan (wants).
Mas mahalaga ang mga bagay na ang pinaglalaanan ay talagang pangangailangan tulad ng bahay at pagpapa-aral sa anak. Kaya mas mabuting pumili ng mga financial products na ligtas at mababa ang risk.
Delikado kasing mailagay sa alanganin ang orihinal na halaga ng pera o corpus ng iyong ipon. Kung ilalagay ito sa mga mas mapanganib na investments, maaring mabawasan ang corpus.
Totoo namang maaaring mas malaki ang kikitain kung ilalagay ang pera sa mga mas risky investments. Pero itanong mo muna ito sa sarili mo bago ito gawin, “Kakayanin ba ng loob mo na mawala o mabawasan ang corpus para sa pagpapagawa ng bahay o pagpapa-aral ng anak mo?”
Mga halimbawa ng investment purpose:
Isa-alang-alang ang timeframe
Kinakailangan ding malaman kung kailan mo kakailanganin pabalik sa iyo ang pera. Ito ba ay short term, medium term o long term.
Kapag sinabi nating short term, sa loob ng isang taon, kakailanganin mo nang maibalik sa iyo nang buo ang iyong pera kasama ang karagdagang kita. Ang medium term naman ay isa hanggang tatlong taon at long term ang higit pa sa tatlong taon.
Sa mga bagay na short term, kinakailangang ang kuning investment ay madaling maging pera. Halimbawa nito ay ang time deposit. Kahit anong oras mo kailanganin ang time deposit, maari mong makuha ang pera mo.
Kabaliktaran naman ang sa lupa. Kadalasan matagal mabenta ang lupa. Kaya ito ay maituturing na investment na nababagay sa mga may long term investment timeframe.
Magkano ang kikitain?
Ang default ng maraming Pinoy ay tumingin agad sa kung magkano ang kikitain ng kanilang investment. Dahil dito, marami ang nakakaramdam ng panghihinayang o di kaya naman ay napag-iiwanan.
FOMO ang tawag dito or Fear Of Missing Out (FOMO).
Dapat unahing masiguro muna ang security ng investment na papasukin. Kaya parating paalalahanan ang sarili kung ano ang investment purpose o financial goal na nais mong makamit.
Sunod dito ang pagkilatis kung kailan mo kakailanganin ang pera o liquidity. Maraming nagbibigay ng mataas na kita sa investment tulad ng VUL o investment-linked insurance pero halos lahat ng VUL na nakita ko sa Pilipinas ay malaki ang bawas sa corpus mo kapag kinailangan mo agad.
Kapag nasiguro na ang security at liquidity, saka pa lang mamimili ng pinakamataas na return maaring kitain.