was successfully added to your cart.

Cart

Budgeting para sa mga self-employed na professional

Inulat ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (o DOLE) na noong Enero 2015, 28.2% ng mga Filipinong may trabaho sa Pilipinas ay mga self-employed professional.

Ayon sa Republic Act 7496, ang mga self-employed professionals ay ang mga taong pinagkakakitaan ang praktis ng kanilang propesyon. Halimbawa nito ay ang mga abogado, doktor, dentista, accountant, at iba pang nakarehistro sa Professional Regulation Commission.

Magkapareho ng problema ang self-employed professional at micro-entrepreneur sapagkat hindi regular ang pagpasok ng kita nila. May lean at peak seasons din.

Suriin natin ang budget ni Marie. Si Marie ay isang general practitioner physician, 32 anyos at wala pang asawa. Php15,000 ang sahod niya buwan-buwan mula sa trabaho niya sa isang Health Maintenance Organization.

Meron din siyang klinika kung saan kumikita siya ng kabuuang Php60,000 kada buwan. Paano mailalapat ang 5-15-20-60 budgeting rule sa kaso ni Marie? Ipinapakita ng sumunod na talahanayan kung paano dapat ilaan ni Marie ang kinikita niya.

Table 10. Sample Budget for Self-Employed Professionals

Insurance

Ang budget ni Marie para sa insurance premium ay Php3,750 kada buwan. Lagpas pa ito sa halagang sasapat para sa coverage ng life, accident, disability at medical insurance. May bentahe ang mga doktor sa gastusing pang-ospital dahil karaniwang ipinagpapaubaya na lamang ang mga bayarin sa pagpapadoktor kung doktor din ang pasyente.

Dahil dito, may kakayahan ang mga doktor na kumuha ng mas mababang medical insurance coverage. Para sa ibang mga propesyunal, tungkulin na nilang kumuha ng sarili nilang insurance.

Investment

Sa mga financial life stages, isinalaysay ko ang pagsisisi ng mga professional na dapat sana ay nasa financial stabilization life stage na pero nasa financial start-up o financial independence life stage pa rin. Isa sa mga pinanghihinayangan nila ay iyong mga napabayaang investment.

Kung ikaw ay bata-batang self-employed professional, pagkakataon mo na itong umiwas sa pagkakamaling iyon. Kaugalian ng mga self-employed professional na maging masyadong tutok sa kanilang propesyon na wala na silang panahong bumuo ng investment portfolio.

Ang mga doktor, halimbawa, ay karaniwang abalang-abala sa pagsusulong ng kanilang kaalaman at kakayahang propesyunal. Walang masama sa ganoong pagpapakahusay sa trabaho, pero dapat ay magsumikap din silang maunawaan ang mga investment products at services.

Kadalasan ay malaki nga ang kinikita ng mga propesyunal ngunit madali itong nalalagay sa panganib dahil sa mga gastusing kaakibat ng kumportable at maginhawang pamumuhay. Madalas ding idinadahilan ang pagiging espesyalista sa partikular na propesyon para huwag nang aralin ang pag-iinvest.

Hindi na iyan dapat umiral sa panahon ngayon. Kailangang matutuhan kahit ang mga pangunahing kaalaman ng pangangasiwa ng personal na pananalapi o personal finance upang masamantala ang mga darating na oportunidad at para rin maprotektahan ang pinansyal na kalusugan.

Likas sa klase ng hanapbuhay ng mga propesyunal ang pakikipagkumpetensiya sa isa’t isa. Sa kasamaang palad, nadadala ang ganoong kalagayan ng pakikipagpaligsahan sa kanilang personal finance practices.

Sa mga propesyunal na convention at conference, halimbawa, ugaling-ugali ng mga propesyunal na magpasikat tungkol sa mga nabibili nila, kahit hindi naman talaga nila ito kayang bilhin.

Pumunta ka sa construction convention kung saan nagsipagdalo ang mga inhiniyero, arkitekto, at interior designer at ang tanging maririnig mo sa mga usapan nila ay kung anong sasakyan ng inhiniyero, anong mga alahas ang isinuot ng arkitekto, anong tatak ng bag ng interior designer, at iba pa.

Mas madaling mapataas ang kinikita ng mga propesyunal. Kung naipagpapaliban lang nila ang agarang pagpapabuti ng pamumuhay, mas mabilis sana nilang maaabot ang financial freedom life stage kaysa sa iba.

Tax o Buwis

Dahil wala pang asawa si Marie, meron siyang Php50,000 na deduction sa kanyang taxable income. Sa praktis ng kanyang propesyon, magbabayad si Marie ng buwis gamit ang optional standard deduction.

Itinatakda ng Optional Standard Deduction (OSD) na ang taxable income ay 60% ng kabuuang kita, ibabawas pa ang deductions. Ang kabuuan ng kita ni Marie mula sa praktis ng kanyang propesyon ay Php720,000. Sa pamamagitan ng OSD, ang kabuuang sahod niya ay Php432,000.

Idadagdag natin ito sa Php180,000 na kinikita niya sa trabaho niya at ibabawas ang Php50,000 na allowable deduction niya dahil wala pa siyang asawa. Ang net taxable income niya ay Php562,000.

Sa ganoong taxable income, nasa income bracket siya na humihigit sa Php500,000. Magbabayad siya ng Php125,000, dagdagan na lang ng 32% ng halagang lalabis sa Php500,000. Katumbas ito kung gayon ng Php144,840 o 16.09%.

vincerapisura.com


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: