Ikinakategorya ng Department of Trade and Industry ang mga negosyong wala pa sa P3 million ang asset o mga negosyong wala pang sampu ang empleyado bilang micro-enterprise.
Iniulat ng department noong 2012 na mayroong 944,897 na mga business enterprise na tumatakbo sa Pilipinas at halos 90% ay micro-enterprises. Sa pareho ring taon, nakalikha ang mga micro-enterprise ng higit 2.3 million na trabaho habang ang mga malalaking korporasyon naman ay nakalikha ng 2.6 million na trabaho.
Ang micro, small, at medium enterprises sa Pilipinas ay nakapag-aambag ng 32% sa gross domestic product. Ang mga estadistikang ito ay nagpapakita ng halaga ng micro-enterprise sa Pilipinas.
Nabibilang sa impormal na sektor ang mga micro-enterpreneurs. Sila ay mga self-employed at mababa ang kitang mga negosyante.
Halimbawa ng mga micro-enterpreneurs ay ang mga may-ari ng sari-sari store, mga nagtitinda sa sidewalk, parlorista, maliliit na transport operator tulad ng habal-habal at tricycle drivers, mga artisan, magsasaka, at mga mangingisda. Sa aming pananaliksik sa SEDPI noong 2010, natuklasan naming karamihan sa mga micro-enterpreneurs ay may mababang edukasyon.
Siyam na porsyento lamang sa kanila ang nakapagtapos ng kolehiyo. Karamihan ay nakapagtapos ng elementarya at 13% ang nakapagtapos ng high school.
Kabilang rin sa micro-enterprise ang mga maliliit na produksyong ginagawa sa bahay. Gumagamit sila ng mga basic at low-tech na mga kagamitan sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.
May limitado rin silang access sa mga market information na kakailanganin sana para lumago ang kanilang negosyo. Karaniwan sa kanilang mga empleyado ay hindi binabayaran dahil miyembro ng pamilya o binabayaran lamang ng minimum wage.
Napaka-basic rin o halos wala silang business record, walang mai-aalok na marketable collateral; walang credit history. Kung kaya’t mahirap ang acess nila sa formal financial services. Bilang resulta, umaasa sila sa mga utangang hindi legal.
Mahirap ang tipikal na micro-enterpreneur. Mas higit silang mahirap kaysa sa mga kumikita ng minimum wage. Nahihirapan silang paghiwalayin ang negosyo sa mga personal na pangangailangan dahil magkaugnay ang dalawang ito.
Budgeting para sa maliliit na negsoyante (micro-entrepreneurs)
Hindi rin lahat ng micro-enterpreneurs ay sumusunod sa itinakdang batas ng gobyerno para sa benepisyo ng mga empleyado tulad ng PhilHelath, Pag-IBIG, at SSS. Kaya’t napakalantad nila sa mga kahinaan ng mga puwersang maaaring magdulot ng problema sa kanilang personal finance.
Noong 2008, gumawa ang SEDPI ng malawakang pananaliksik tungkol sa mga pamamaraan o mekanismo ng mahihirap sa mga panahon ng emergency. Qualitative ang pananaliksik.
Ang mga kalahok ay mga micro-enterprise na kliyente ng mga microfinance institutions. Lumilitaw sa resulta na humihiram ng pera ang mga micro-enterprises sa kanilang mga kapitbahay, sa mga hindi legal o impormal na pautangan at sa mga utangang mataas ang interes.
Sa mga komunidad, umaasa sila sa mga utang dahil wala silang sapat na ipon at insurance. Ginagamit nila ang utang para mabuo muli ang kanilang negosyo lalo na kung nagamit nila ang kapital sa emergency.
Mataas ang rank ng pangungutang dahil ito ang “pinakamadali at mabilis” na paraan para makakuha ng pera kumpara sa iba pang istratehiya. Sinabi rin ng mga kalahok na maraming maaaring utangan.
Bagama’t nauunawaan nila ang bigat ng responsibilidad ng pagbabayad at kabayaran. Mas pinipili rin ng mga kalahok sa pananaliksik na magsangla bago lumapit sa mga kamag-anak.
Para sa kanila, mas mabilis ang pagsasangla hangga’t may maganda kang record sa mga sanglaan. Sa kabaligtaran naman, ang interes na kailangang bayaran at ang pagbabayad sa mismong utang lalo pa’t ginamit ito sa emergency at hindi para sa layuning mas produktibo.
Ang ikalawang coping strategy ay ang patuloy na pagtatrabaho ng higit pa para kumita. Kaugnay nito ang paghahanap ng karagdagang kita bilang pandagdag sa kasalukuyang kita at pambayad ng utang. Ang ilang mga micro-enterprise na hindi maka-utang para sa emergency ay naghahanap ng karagdagang trabaho o nagbebenta ng ari-arian.
Ayon sa mga kalahok sa pananaliksik, ang kainaman ng paghahanap ng karagdagang kita para sa coping strategy ay nakakabuti rin sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, kaysa manghiram ng pera. Ang hindi naman maganda rito ay ang posibilidad ng pagkakasakit dahil sa sobrang trabaho, nawawalan ng oras para sa pamilya, at mahihirapan nang maghanap ng iba pang trabaho.
Ang ikatlong coping strategy ay ang sapilitang pagbebenta ng assets. Ipinaliwanag ng mga kalahok sa pananaliksik na ang kainaman naman nito ay ang mabilisang pagkakaroon ng cash at hindi na kailangan pang magbayad ng interes.
Nagbebenta sila ng kabuhayan o mga ari-arian para magkaroon ng cash na pambayad sa mga emergency. Ginagamit naman nila ang iba para sa emergency at para magsimula ng negosyo.
Ang hindi naman maganda rito ay “nabibili nila ang kanilang mga asset sa mataas na halaga ngunit ibinebenta sa mababang halaga na lamang dahil sa pagmamadali ng sitwasyon na magkaroon ng pera.” Limitado rin ang kanilang assets at nauubos.
Ang tulong rin mula sa mga pamilya, kaibigan, at kamag-anak ay karaniwang coping strategy para sa panahon ng emergency. Lumalapit naman ang iba sa tulong ng gobyerno o ng mga politiko, ngunit may grupo ng mga kalahok sa pananaliksik ang nagsabi na magtitiis na lang sila sa kanilang budget kaysa lumapit sa mga politiko dahil kapalit nito ay ang kanilang boto.
Sa focus group discussion (FGD), makukuha sa mga sagot ng kalahok na humihingi sila ng tulong sa gobyerno at sa mga politiko kahit na may panganib, kapag ang dahilan ay mga kalamidad kung saan apektado ang buong komunidad. Bagama’t ang ilan sa kanila ay nagsabi na “hindi maaasahan ang tulong ng gobyerno.”
Ang kainaman na ang mga donasyon ay galing sa pamilya, mga kaibigan, kamag-anak, at gobyerno ay hindi kailangang magbayad ng interes o isauli ang mga bagay o perang ibinigay sa kanila. Sa kabilanga banda, ang hindi naman maganda sa ganitong istratehiya ay ang mga sumusunod: maaari itong maging dahilan ng kahihiyan, at ang mga donasyon ay limitado lamang, o ang mga bagay at pera ay hindi sapat sa mga pangangailangang dulot ng trahedya.
Ang savings at insurance ay ang dalawang hindi masyadong nagagamit sa coping strategies dahil sa kasalatan ng perang naipon. Hindi sapat ang savings ayon sa isang kalahok dahil “ang kita ay sapat lamang para sa mga gastusin,” kaya’t walang natitira para sa ipon.
Ipinaliwanag ng ilang kalahok na mas gusto nila ang savings dahil mas mabilis gamitin kaysa kumuha pa ng loan.
Ang kainaman sa pagkakaroon ng insurance ay epektibo ito kapag may nangyari uling emergency sapagkat “hindi na kailangang manghiram sa mga kamag-anak at kaibigan,” at hindi rin magastos dahil binabayaran lang ang premium sa maliit na halaga.
Hindi masyadong ginagamit na coping strategy ang insurance dahil mahaba ang prosesong dadaanan para makuha ito. Ipinaliwanag ng ilan sa mga kalahok ng FGD na “huling baraha na ang insurance dahil hindi ito maasahan kapag emergency at may mabilis na pangangailangan.”
Ang hindi maganda sa insurance bilang coping strategy ay ang patuloy na pagbabayad ng napakamahal at ang matagal na panahong gugugulin para makuha, at maraming dokumento ang kailangan.
Gamitin nating halimbawa si Aling Aida para ipakita ang isang tipikal na micro-entrepreneur na kumikita ng mga P6,000 bawat buwan. Ganito ang kanyang budget.
Table 8. Halimbawang Budget Para sa mga Micro-EntrepreneursSa parehong pananaliksik na ginawa ng SEDPI noong 2008, ang pagkakasakit ang pinakauna at karaniwang pinagdadaanan ng mahihirap sa kanilang pamilya o komunidad. Kung gayon, kailangang maghulog ang micro-entrepreneur sa PhilHealth. Dalawang daan ito kada buwan.
Ayon sa National Statistical Coordination Board, ang karaniwang bilang ng mahirap na pamilya ay anim. Nangangahulugan ito na kung ang insured principal sa PhilHealth ay may limang dependents, ang premium na babayaran para sa bawat tao ay P33.33.
Abot-kayang halaga na ang programang ito ng gobyerno para sa medical insurance. Karamihan sa mga micro-entrepreneurs ay nagpupunta sa pampublikong ospital para sa mga serbisyong medical dahil hindi nila kaya ang mga serbisyong pampribado. Sumasapat ang PhilHealth sa ganitong pangangailangan.
Kailangan ng micro-entrepreneur na i-enroll ang sarili bilang principal member at i-declare ang kanyang mga kwalipikadong dependents. Sa ganito, magagamit rin nila ang mga benepisyong medikal ng PhilHealth.
Ayon sa PhilHealth, ang mga kwalipikadong dependents ay ang mga sumusunod:
- legal na asawa na hindi miyembro;
- anak o mga anak – legal, ginagawang legal, kinikilala at ilehitimo, ampon, anak ng asawa o mga anak ng asawa na 21 taon pababa – na walang asawa at wala pang trabaho
- mga anak na 21 taon pataas na may kapansanang pisikal o mental, o anumang kapansanan na dahilan para sila umasa lamang sila ng suporta sa miyembro, na may pagkilala ng korporasyon
- foster child ayon sa Republic Act 10165 o ang Foster Care Act ng 2012
- mga magulang na 60 taon pataas na hindi miyembro at ang kita bawat buwan ay mababa na kinikilala ng PhilHealth ayon sa kanilang guiding principles na itinakda sa NHI Act of 2013, at
- mga magulang na may permanenteng kapansanan anuman ang edad na kinikilala ng PhilHealth at sinasabing dependent sila sa miyembro para mabuhay.
Ang natitirang balanse para sa insurance premium budget matapos magbayad sa PhilHealth ay P100 kada buwan. Hindi ito sapat para makakuha ng micro-insurance coverage.
Sa tantya ko, ang P100 ay makakabili ng term insurance coverage na may mga sumusunod na benepisyo: P200,000 sa aksidenteng pagkamatay; P100,000 sa natural na pagkamatay, at hanggang P100,000 na benepisyo para sa kapansanan. Karaniwan, ang nakukuhang halaga ay nagagamit para sa pagpapalibing.
Isa sa mga maling paniniwala ukol sa mahihirap ay hindi nila kayang mag-ipon. Kaya nila ito bagama’t sa maliit na halaga.
Nakakahadlang lamang dito ay ang kakulangan ng mga imprastraktura na makakatulong sa kanilang mag-ipon. Halimbawa, karamihan sa mga commercial banks ay humihingi ng mataas na deposito sa pagbubukas ng account at maintaining balance.
Hindi rin komportable ang mahihirap sa presentasyon ng mga commercial banks ng kanilang establisyimento. Ito ang dahilan kaya’t ang gobyerno ay nagbigay ng magandang pagkakataon na lumago ang mga microfinance institutions sa bansa.
Karamihan sa mga microfinance institutions ay may mga simpleng opisina at may abot-kayang serbisyo. Kaya’t hinihikayat ko ang lahat ng micro-entrepreneurs na magbukas ng savings account sa mga microfinance institutions.
Pinakamainam na paraan ito para magtatag ng financial history. Sa mga microfinance institutions, makakakuha ng loans at insurance na tugma para sa kanila.
Nahihirapan ding mag-ipon ang mga micro-entrepreneur dahil hindi regular ang pasok ng kanilang kita. Nabibigo lang sila kapag halos wala silang maitabing ipon tuwing lean season ng business cycle.
Kapag peak season naman, napupunta ang naipon nilang pera sa pagbabayad sa mga inutang nila noong lean season. Simple lang ang solusyon dito: maliit lamang ang halagang itatabi ng mga micro-entrepreneur kapag lean season, at mas malaki kapag peak season.
Sa halimbawa natin sa itaas, ipagpalagay nating Php3,000 ang kita ni Aling Aida kapag lean season at Php9,000 naman kapag peak season. Kung susundin ang 5-15-20-60 budgeting rule, dapat magtabi siya ng Php150 kapag lean season at Php450 kapag peak season.
Karamihan sa mga micro-entrepreneur ay umuutang para sa mga produktibong layunin. Kaugalian ito ng mga micro-entrepreneur na dapat tularan ng mga empleyado, at isa ring kalakasang dapat dalhin ng mga micro-entrepreneur sa pag-angat nila sa kanilang financial life stages.
Ang leveraging ay isang mabisang kasangkapan sa pagpapaunlad ng financial empowerment, kung maisagawa nang maayos. Nakagawian na ng mga micro-entrepreneur na i-reinvest ang lahat ng kanilang kinikita sa negosyo nila.
Ang panganib nito ay ang kakulangan sa diversification. Kung matamaan ng sakuna o malas ang negosyo nila, mawawala ang lahat.
Ang mungkahi ko ay sundin ng mga micro-entrepreneur ang 20% investment rule. Dapat ma-invest nila ito sa mga high-yielding financial instrument.
Dahil wala silang maaasahang employer, tungkulin na nilang bayaran ang sarili nilang mga benepisyong pang-empleyado. Ang mainam gawin ay gamitin ang perang iyon sa pagbabayad ng kanilang mga kontribusyon sa SSS at Pag-IBIG, nang sa gayon ay may asamin naman sila pagtungtong nila sa edad ng pagretiro.
Hinaharap din ng micro-entrepreneur ang problema ng minimum wage earner dahil maliit na lang ang natitirang halaga para sa mga gastusin. Dahil sa kanilang employer contributions, mas may palugit ang mga minimum wage earner kaysa sa micro-entrepreneur na maglaan ng budget para sa mga pang-araw-araw nilang gastusin.
Gayunman, magagamit din ang mismong mungkahing iyon sa paghahanap ng mga paraan upang madagdagan ang kita. Maaaring mangahulugan itong palawakin pa ang negosyo, magbenta ng mga bagong produkto, o mag-alok ng mga bagong serbisyo.
Maaari ring makiusap sa mga kamag-anak na tumulong sa negosyo ninyo. Ang mga micro-enterprise sa mga lalawigan ay puwedeng gumawa ng mga munting gulayan sa kanilang mga bakuran o magpalaki ng livestock upang madagdagan ang budget para sa pagkain.
Sa lungsod naman, puwedeng maghanap ng part-time na trabaho ang mga micro-entrepreneur para madagdagan ang kanilang kinikita. Marami-raming paraang maaaring subukin para tumaas ang kinikita.
Muli, bilang pagdiriin, maaaring huwag sumunod sa budgeting rule kung pananaigin ang mga makataong dahilan at pangkaligtasan.
I will start business sa rentals kung kinakailangan,,,,,,
Interested ako sa rental property na di masyadong mataas ang liabilities,,,,,😊✊️✊️🇵🇭For start up business,pwede kaya ako noon sir vince?