Ano ang stock at paano ito magagamit sa negosyo at investing?
Private, public at listed stocks
Ang mga stocks ay maaring “private”, publicly-traded o kaya naman ay listed. Ang ESI na balak naming itayong korporasyon ay isang halimbawa ng private stock.
Isang halimbawa ng private stock ang ESI o ang korporasyong balak naming itayo nina Pia, Jonas at iba pang investors. Ibig sabihin nito, sa amin lang umiikot ang shares o stocks.
Hanggang 19 lang ang pinapahintulutang bilang ng investors ang isang private corporation. Ito ay ayon sa guidelines ng SEC.
Kapag lumampas ang bilang ng investors ng isang korporasyon sa 19, ito ay napapabilang na sa tinatawag na public company kaya ang stock o share ay nagiging publicly-traded. Ang ibig sabihin nito maaring bumili o magbenta ng stock ang sinuman nang direkta sa korporasyon.
May mga karagdagang requirements ang SEC para maituring na isang public company. Sila ay nagbibigay ng iba pang reports na kailangang i-submit at capital requirements upang protektahan ang kapakanan ng publiko.
Kapag ang public corporation ay nagpalista sa Philippine Stock Exchange, ang tawag na dito ay listed corporation kaya ang shares ay listed na rin. Ang ibig sabihin nito ay kasama na ang shares ng korporasyon na maaring mabili at mabenta sa pamamagitan ng stock market o stock exchange.
Common stock versus preferred stocks
May dalawang klase ng stocks – common stocks at preferred stocks. Dahil ang mga ito ay parehong stock, katibayang ang pareho ng pagiging kamay-ari sa korporasyon.
May preference na ibinibigay pagadating sa claim ng earnings at assets ang preferred shares. Samantalang ang common stocks naman ay ang may last claim sa mga ito.
Dahil dito, may advantage ang preferred shares sa common shares sakaling umabot sa pagsasara (liquidation) ang korporasyon. Una munang babayaran ang mga preferred shareholders bago ang mga common shareholders.
Mauuna ding bigyan ng dividend ang mga preferred shareholders kaysa sa common shareholders. Kapag natanggal na sa earnings ang dividend ng preferred shareholders, ang matitira ay paghahati-hatian ng mga common shareholders.
Garantisado at pirmi (fixed) sa takdang panahon ang dividend para sa mga preferred shareholders. Sa mga common shareholders naman hindi ito garantisado at paiba-iba kada taon.
Sa panahon na maliit ang kita o lugi ang kumpaniya, bentahe dito ang mga preferred shareholders. Sa panahon naman na masagana at hitik ang kita, bentahe ang common stockholders.
Ang common stocks ay ginagawaran ng voting rights o ang kapangyarihang bumoto ng board member na siyang mangangasiwa sa mga mahahalagang desisyon kaugnay ng negosyo ng korporasyon. Kadalasan binibigyan ng isang boto ang bawat stock o share na pagmamay-ari ng investor.