Ito ang tatlong napansin kong gawain ng mga mayayaman sa paghawak ng pera. Sana ay masundan mo ang mga ito para makamit ang iyong mga pangarap.
Passive income ang gamit sa wants
Aminin natin na ang mga wants ang nakakapagpaligaya sa buhay natin. Ang needs ay mga kailangan natin para mabuhay pero ang wants naman ang nagpapaginhawa at nagpapa-excite nito.
Kung tutuusin, hindi masama ang wants. Kaya dapat sa tamang paraan natin ito pinopondohan.
Passive income ang tawag sa income na kinikita kahit hindi nagtatrabaho tulad ng rent, interest, dividend, capital gains, pension at royalty. Gumagawa ang mga mayayaman ng investment portfolio na kumikita ng mga ito, at pagkatapos ang kita ang gagamitin panustos sa wants.
Galing sa active income ang paggawa ng investment portfolio na kikita ng passive income. Kaya ang susi dito ay sipag at tiyaga; na may kasamang disiplina sa pagpapaliban ng paggastos pabor sa pagpundar sa investments.
In short, delayed gratification ang strategy.
Insurance ang gamit pag may emergency, hindi utang
Insurance ang isa sa mga naghihiwalay sa mga mayayaman at mga mahihirap. Ang mayaman, kapag may emergency, ginagamit muna ang kanyang emergency fund saka magke-claim sa kanyang insurance.
Pagkatapos makakuha ng claim, i-rereplenish niya ang kaniyang emergency savings. Hindi siya nangungutang dahil ang emergency ay isang bagay na hindi kumikita kaya “bad debt” ang labas nito.
Mura lang ang insurance kung alam ang kukunin. Sundin ang ang budgeting rule kung saan ang 5% ng kita ay sapat na dapat pambayad sa insurance premium.
Walang bad debt
Dalawang klase ang bad debt. Una, ito yung utang na ginamit sa hindi kumikitang bagay; at ang pangalawa naman ay ang utang na nag-past due o hindi nabayaran.
Ang cardinal rule in borrowing ay dapat gamitin ito sa bagay na kumikita. Kung hindi kikita, hindi utang ang gagamitin – active/passive income o kaya naman ay savings ang dapat na gamit.
Nakakasira naman ng reputasyon kung may utang kang hindi nababayaran. Ang reputasyon ang siyang bumubuo ng tiwala sa iyo ng mga tao at mahalaga ito sa mga gagawing financial transactions sa ating buhay.
Simple rules to live by
Iba’t-iba ang pakahulugan ng bawat isa sa pagyaman. May mga naghahangad ng marangyang buhay para masabing sila ay mayaman.
Sa kabilang banda naman, may mga taong ang nais ay simple at maginhawang buhay lamang pero para sa kanila, mayaman na sila. Kung tutuusin, napakadaling intindihin ng tatlong sikretong ito ng mga mayayaman; kailangan lang sundin at gawin upang masimulan ang pag-unlad sa buhay.